Tindahan ni Ate Joy,
Siyam na taon na!
Nasa 600 na solo parents ang nabiyayaan ng sari-sari store package sa Tindahan ni Ate Joy (TNJ) Batch 9.
Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng P10,000 worth ng sari-sari store items para sa kani-kanilang mga tindahan. Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ang pamimigay noong July 19 sa tulong nina Vice Mayor Gian Sotto at Small Business and Cooperatives Development Promotions Office (SBCDPO) OIC Mona Yap.
Katuwang na rin ng Quezon City ang GCash para bigyan ng dagdag-kita ang TNJ recipients. Ang mga Tindahan ni Ate Joy ay gagawing Pera Outlet, kung saan maaari silang kumita sa cash in, cash out, remittance, at bills payment.
“Sobrang saya ko dahil isa ko sa napiling bigyan ng tindahan sa programa ni Mayor Joy Belmonte. Matagal ko nang pangarap magkaroon ng tindahan kaso walang puhunan. Mahalaga sa tulad kong solo parent ang ganitong pagkakataon,” pasasalamat ni Leonor de Castro, isa sa mga TNJ Batch 9 beneficiaries.
Bise alkalde pa lamang si Mayor Belmonte nang simulan niya ang programang Tindahan ni Ate Joy noong 2013. Simula noon, libu-libong solo parents, PWDs, at survivors ng pang-aabuso na ang nabigyan ng bagong simula sa TNJ.
“Ayon sa mga datos, kapag ang nanay, ang babae sa pamilya, ay kumikita rin, mas lalo siyang nirerespeto ng kanyang mga anak at asawa. Tumataas din ang dignidad sa sarili dahil hindi siya umaasa sa ibang tao para sa kanyang kabuhayan,” pahayag ni Mayor Belmonte.