QCProtektodo

Nasa 1,544,736 na ang fully-vaccinated na residente at manggagawa ng Quezon City, ayon sa opisyal na Facebook page ng Pamahalaang Lungsod noong Oct. 8. Ito ay 90.87% ng 1.7 million na target population ng QC. Kasama sa mga itinuturing na fully-vaccinated ay ‘yung mga nakatanggap na ng 2 dose ng bakuna o kaya naman nabakunahan ng isang dose ng Janssen.

Patuloy din ang pagbabakuna ng first dose ng lungsod, kahit na higit na 1,839,574 o 108.21% na ng target population ang nabigyan nito. Ito ay may kabuuan na 3,290,580 doses ng bakunang naiturok sa ikalawang linggo ng Oktubre. Ayon kay Mayor Joy Belmonte, basta’t may supply, tuloy ang pagbabakuna. Handa na rin ang QC na magbakuna ng mga bata kapag aprubado na ito ng Department of Health at may sapat nang supply ng bakuna.

“We need to protect our children given that they are directly or indirectly exposed to the virus,” dagdag ni Belmonte. Ayon kay Task Force Vax to Normal co-chairperson Joseph Juico, binubuo na ang masterlist ng mga batang edad 12 hanggang 17 sa tulong ng mga eskwelahan at mga barangay. “Habang naghihintay tayo ng guidelines mula sa DOH, ito muna ‘yung ginagawa natin. Kumukuha ng datos, census, para pagdating ng bakuna, madali natin i-roll out ‘to sa ating mga kabataan,” sabi ni Juico. Inaasahang magsisimula ang pagbabakuna ng mga bata ngayong Oktubre.