QCitizen ID, door-to-door ang delivery sa senior citizens
Sinimulan na ang pamimigay ng QCitizen ID sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) noong Agosto 31. Espesyal ang bawat delivery dahil dinadala mismo sa mga bahay nina lolo at lola ang kanilang mga QC ID. Para sa PWDs naman, binabagsak sa kani-kanilang mga barangay hall ang QC ID. Maaari itong kunin ng isang authorized representative.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, sa paraang ito ay hindi na kailangang lumabas ng bahay ang mga high-risk na residente ng lungsod. Ang QC ID ay maaaring gawing alternatibo sa senior citizen ID, PWD ID, at pati na rin sa solo parent ID. Mas mapapadali ang kanilang pagkuha ng mga benepisyo. Mas mabilis din na mabibigyan ng libreng PhilHealth ang lahat ng PWDs. Inaanyayahan ng Pamahalaang Lungsod ang bawat QCitizen na kumuha ng QC ID. Ayon kay Mayor Joy Belmonte, makatutulong ito upang magkaroon ng mas maayos na database ang lungsod at mas mapag-aralan pa ang mga pangangailangan ng bawat residente.
“Hindi na tayo manghuhula kung ilan ba ang bata, ilan ang matanda, we will have an exact number to work with. It’s very accurate and we can also plan better how to utilize the funds of the city,” paliwanag ng alkalde. Bukod dito, marami pang ibang benepisyo ang maaaring makuha ng mga mayroong QC ID tulad ng libreng sakay sa city bus, mas mabilis na access sa social services, at mas madaling pagkuha ng ayuda gaya ng Kalingang QC at SAP. Para sa mga wala pang QC ID, maaaring mag-apply online sa pamamagitan ng https://qceservices.quezoncity.gov.ph/. Piliin ang QCitizen ID e-Application. Kung aprubado, mauunang ipadala sa inyo ang digital copy ng inyong QC ID.