Pangkabuhayan QC

Puhunan sa negosyo, sagot ni Mayor Joy Belmonte sa Pangkabuhayang QC

Inilunsad noong Sept. 6 sa Flower Garden ng Quezon Memorial Circle ang Pangkabuhayang QC, isang livelihood training and assistance program para sa mga QCitizens na nangangailangan ng bagong simula ngayong pandemya.Hanggang P20,000 ang maaaring matanggap ng bawat benepisyaryo depende sa kanyang business plan. Ayon kay Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office (SBCDPO) Head Mona Yap, kailangang mag-submit ng maayos na plano ang bawat aplikante. Magkakaroon din ng screening at interview bago maaprubahan ang mga benepisyaryo.

Ang Pangkabuhayang QC ay isa lamang sa maraming proyekto ng Lungsod Quezon para sa mga QCitizens na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
“Malaki ang pondong inilagay ng ating lungsod sa programang ito dahil naniniwala talaga ako na ang mga Pilipino kailangan lang talaga ng oportunidad. At ‘pag naibigay ‘yung oportunidad ay kusa na silang babangon at aarangkada at uunlad,” ani Mayor Joy Belmonte. Bukod sa mga displaced workers, bukas din ang Pangkabuhayang QC sa persons with disabilities, solo parents, laid off overseas Filipino workers (OFWs), at microentrepreneurs.

Ilan sa mga negosyong pino-promote ng Lungsod Quezon ay sari-sari store, urban agriculture, retail centers, at logistics delivery. Pero maaari rin mag-propose ang mga aplikante ng negosyo na gusto nila. Kung kailangan ng training tulad ng online marketing, handa rin umalalay ang SBCDPO.

“Ang aking pangarap para sa inyong lahat, sana ang panimulang ito na P20,000 ay ‘wag natin sasayangin,” dagdag ni Mayor Belmonte. Ang mga interesadong QCitizens ay maaaring mag-apply online sa https://qceservices.quezoncity.gov.ph/. Paalala lamang na kailangan ng QCitizen ID para ma-avail ang programang Pangkabuhayang QC.