Pinamunuan ni Mayor Joy Belmonte ang groundbreaking ceremony para sa limang palapag na residential building sa Brgy. Baesa noong Sept. 17. Sa talumpati ng alkalde, sinabi niyang “certified urgent” ang konstruksyon ng gusali. Iginiit niya na pabilisin ang pagtapos nito upang hindi maabutan ng ban on public works tuwing panahon ng eleksyon. Magsisimula ang ban na ito sa March 25, 2022.

Nasa 176 na pamilya ang magkakaroon ng sarili nilang tahanan kapag naitayo na ang gusaling. “Hindi natin nakakalimutan ang mga pangakong binitawan natin sa mga mamamayan. This will be a symbol that the government works for the people of our city. That the government cares for you,” dagdag pa ni Mayor Belmonte.

Isa lamang ito sa maraming housing projects na natapos at nasimulan sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Belmonte. Noong Sept. 9, pumirma ng Memorandum of Agreement ang Lungsod Quezon at Sweet Haven Land Developers Inc. para sa pagbili ng 1,637 sq. meters na lupa sa Brgy. Payatas. Tatayuan ito ng 32 housing units na inaasahang makukumpleto sa loob ng 10 buwan.

Noong Hulyo naman, dalawang magkasunod na socialized housing projects ang binuksan sa Brgy. Nagkaisang Nayon at Brgy. Gulod. Bukod sa mga ito, tumutulong din ang Pamahalaang Lungsod na bilhin ang mga private lands na tinitirhan ng illegal settlers. Sa ganitong paraan, maaari na nilang bayaran sa gobyerno ang lupain buwan-buwan sa mas murang halaga. “Ang ating pangarap ay ito, dapat 15,000 people kada termino ko ang mabigyan ng pabahay o kaya’y katiyakan ng paninirahan,” sabi ni Mayor Belmonte.